Tinuruan mo akong magmahal ulit.

Akala ko nga pag-ibig na ang ginagawa ko pero narinig Kita. Alam kong Ikaw yon.

“Hindi ganyan ang pag-ibig Ko.”

Tumigil ang puso ko. Tumigil ako.

Kulang ba? Hindi ba tama? Ano pang kailangan kong gawin?

“Mahalin mo sila tulad ng pagmamahal Ko sayo.”

Mahal Mo ako.

Minahal Mo ako.

Mahal Mo pa rin ako.

“..tulad ng pagmamahal Ko sayo”

Nakalimutan ko pala kung paano magmahal ang isang katulad Mo.

Bakit ko nakalimutan? Nalunod ba ako sa mga plano kong akala ko patungo Sayo?

Mas pinili kong makinig sa iba kesa marinig sa tinig mo na paulit-ulit na nagsasabi, “Magtiwala ka naman. Hayaan mo ako. Dahil kaya Ko at mahal kita.

Nakalimutan ko na sa pag-ibig Mo, may tiwala.

At sa tiwalang yon, doon Mo papaliparin ang pag-ibig na babago sa puso ko at sa puso niya.

Nagtiwala Ka na kaya kong magsulat kahit nung mga panahon na wala akong mga salita.

Nagtiwala Ka na kaya kong maging ako kahit nung mga panahon na litong-lito ako kung sino nga ba ako.

Nagtiwala Ka na pwede tayo, Ikaw at ako.

Nakalimutan ko kung gaano Ka kataas, kung gaano Mo kayang gawin lahat kahit wala ako.

..kahit wala ako

Kaya Mo kahit wala ako.

Pero pinili Mo tayo.

Pinili mong maghintay sa isang katulad ko.

Pinili mong ibigay lahat ng meron ka hanggang sa maramdaman ko na walang hanggan ang pag-ibig na binibigay mo.

Pinili mong masaktan para makita ko na sa sakit, mas magmamahal ako.

Nakalimutan ko na sa sakit, may Ikaw.

Nagpapatawad.

Nagmamahal.

Nagsasabi, “Hinding hindi ko itatapon ang isang katulad mo.”

IMG_2858.png

Sa akin ka. Sayo Ako. Magmahal ka ulit na katulad ko.

Kalimutan mo ang sarili mo pag nagmamahal ka. Ang pag-ibig ko ay hindi makasarili.

Kalimutan mo na tama ka pag nagmamahal ka. Ang pag-ibig ko ay mapagtiis hanggang wakas.

Kalimutan mo na mag-isa ka pag nagmamahal ka. Ang pag-ibig ko ay puno ng pag-asa.

Kalimutan mo ang mga bagay na wala ka pag nagmamahal ka. Sa pag-ibig ko, nasa sayo ang lahat.

Sa akin ka. Sayo Ako. Magmahal ka ulit na katulad ko.

Piliin mong magbigay kahit hindi sapat ang meron ka.

Piliin mong kausapin siya kahit sa tingin mo walang pag-asa.

Gamitin mo ang pagmamahal ko na nagtiwala ng buong-buo na kaya mo, nung mga panahong na sinisigaw mo na ayaw mo na.

Piliin mong wag sumuko.

Piliin mong ipaglaban ang pagmamahal na ipinaglaban ka.

Piliin mong ituloy ang laban kahit wala kang nakikita, nararamdaman.

Hindi lahat ng may nakikita, Ako ang tinitignan.

At hindi lahat ng may naramdaman, Ako ang hinahanap.

Piliin mong tignan ako. Piliin mong hanapin ako.

Piliin mong magmahal ng higit pa sa kaya mo.

Piliin mong daanan ang sakit.

Maniwala kang ang dulo ng istorya na ito ay hindi magtatapos sa sakit na mararamdaman mo.

Matatapos ito sa pagmamahal ko.

..na unang pumili sayo.

at paulit-ulit kang pipiliin kahit sa paglimot mo.

Dahil sa akin ka. Sayo Ako. Magmahal ka ulit na katulad ko.