Puso, Hindi Siya Para Sayo.

Hindi ko alam kung bakit paulit-ulit. Bakit paulit-ulit mong hinihiling ‘to?

Puso, hindi siya para sayo.

Processed with VSCOcam with m5 preset

Hindi para sayo ang lugar na ‘to. Hindi para sayo ang pagyaman na gusto mo. Hindi para sayo ang sakit na paulit-ulit mong inaayawan pero paulit-ulit mo ring binabalikan.

Tama na. Hindi siya para sayo.

Kagabi sinabi mo, “Konti pa. Kakayanin ko pa.”

Hindi mo ba naiintindihan? Hindi mo kaya. Kailangan mong tanggapin na hindi mo kaya. Kailangan mong tanggapin na mahina ka. Kailangan mong tanggapin na hindi mo kaya mag-isa. Kailangan mong malaman na minsan sa pagsuko, dun pa tayo lalaya.

Lalaya sa lahat ng sakit.

Suko na, puso. Hindi na natin kaya.

Hindi na natin naiintindihan. Hindi na natin kaya magmahal. Hindi na natin kaya magtiwala. Hindi na natin kaya umasa.

Suko na. Hindi na kaya.

Ngayong gabi, tawagin natin ang Diyos.

Sabihin natin ang lahat ng sakit. Magsumbong tayo. Sabihin natin kung paano tayo sinaktan ng mundong ito. Kung paano tayo sobrang nagmahal at nagtiwala pero wala tayong natanggap na kapalit. Sa dulo, walang nakita kung hindi purong pagkakamali.

Wala tayong natanggap kung hindi masasakit na salita.

Napagod ako. Nakapagod ka.

Puso, magsumbong tayo.

Sumbong natin na minsan nakakapagod din maging mabuti.

Sumbong natin na minsan nakakapagod din maging malakas.

Sumbong natin na minsan nakakapagod na magtrabaho.

Sumbong natin na minsan nakakapagod.

Nakakapagod umasa. Nakakapagod maghintay. Nakakapagod magmahal. Nakakapagod magsabi, “Panginoon, gusto ko maging katulad Mo.”

Paano mo nagagawang makita ang kabutihan sa taong walang ginawa kung hindi manloko?

Paano mo nagagawang tulungan ang taong hindi marunong magpasalamat?

Paano mo nagagawang magtiwala sa taong puro kasinungalingan ang laman ng puso?

Paano mo nagagawang makasama ang taong nandyan lang kapag may kailangan sayo?

Paano mo nagagawang magpatawad ng paulit-ulit?

Paano mo nagagawang mahalin ang taong paulit-ulit kang sinasaktan?

Paano mo nagagawang magmahal ng katulad ko?

Ang hirap maging katulad mo, Panginoon.


“Hindi para sayo.”

Hindi para sayo ang magpanggap na hindi ka nasasaktan.

Hindi para sayo ang mga pangarap na kailan man hindi ko nilagay sa puso mo.

Iba ang mga pangarap na meron ako para sayo. Mas mataas. Mas mabuti. Higit sa hinihiling mo. Higit sa kasiyahan na hangad mo.

Hindi para sayo ang lugar na ‘to. Ayaw mo ba makita ang buong mundo kasama ako?

Hindi para sayo ang mahalin siya. Hindi ko ‘yon binigay sayo. Hindi para sayo ang mahalin siya

..dahil mahal ko na siya.

Matagal na. Bago mo pa siya makilala.

Pero ako? Isama mo ako. Isama mo ako sa pangarap mo. Isama mo ako sa pagpapatawad na gagawin mo. Isama mo ako sa pagtitiwala na ibubuhos mo. Isama mo ako sa pagmamahal na ako mismo ang magbibigay sayo.

Isama mo ako.

Dahil, ako.

Ako lang ang para sayo.

Mahal kita. Higit sa sakit na nararamdaman mo.

Sa ngayon, hindi ito para sayo.

Pero ibibigay ko. Ibibigay ko dahil kaya ko. Ibibigay ko dahil gusto ko. Pangako, ibibigay ko.

Ibibigay ko dahil mahal kita. Mas mahal kita kesa sa pagmamahal na meron ako para sa sarili ko.

Ako ang para sayo. Ako lang.

Gagawin kitang katulad ko. Pangako, narinig ko ang dasal mo.

“Panginoon, gusto ko maging katulad Mo.”

Pero darating ang panahon, hindi mo maiintindihan. Sasaktan kita. Sasaktan ko ang mga tao sa paligid mo. Hahayaan kong saktan ka nila.

Pero magtiwala ka, higit ang pagmamahal ko sa lahat ng sakit mararamdaman mo. Ang pagmamahal ko ang magtuturo sayo na sa sakit ka lang tunay na magmamahal.

Kapag naghihintay ka na gumaling sa lahat ng sugat, unti-unti kong ipapadala ang mga taong tama para sa buhay na gusto ko para sayo.

Kapag naghihintay kang mawala ang lahat ng luha, unti-unti kong lalagyan ng kasiyahan ang puso mo. Yung saya na hindi mawawala kahit anong dumating. Kahit sinong dumating.

Sa tuwing magdarasal ka na, “hindi ko na kaya.” Umasa ka na kukunin ko lahat. Hinantay ko lang na sabihin mo ang mga kasunod na kataga, “Kailangan kita.”

Dahil ako, Ako lang ang para sayo.

Pupunan ko lahat ng pagkukulang. Gagawin kong buo. Gagawin kitang buo dahil sa lahat ng sakit na naramdaman mo.

At kapag nagmahal ka ulit, kapag nagtiwala ka ulit, kapag umasa ka ulit, hindi na yon manggagaling sayo.

Mas magmamahal ka ng higit pa. Mas maiintindihan mo sila dahil naramdaman mo rin kung gaano kasakit.

Sasabihin mo ring, “Hindi siya para sayo.”

At alam kong dadalhin mo sila sa akin.

Dahil ako, Ako rin ang para sa kanila.

18 thoughts on “Puso, Hindi Siya Para Sayo.

  1. I recently read a lot of your blogs. Na-enjoy po talaga ako dahil talagang nakaka-bless! 🙂 nakakarelate ako on how you love to talk about GOD and HIS Love. I have this close friend/bestfriend/sister na naaalala ko lahat ng tinuro nya sakin na somehow pareho kayo nang thoughts sa mga sinulat sa blogs mo. Reflective rin kasi kami magkaibigan and relationship-minded people at favorite rin nya ang question na “how’s your heart?” then she starts talking to people like you. Kaya naaalala ko sya sa’yo. Hahaha. I am so blessed by how you spread HIS Love through your blogs. 😉 Godbless you more and more! Continue being a blessing and spreading HIS Love! ^__^

  2. This. Is. Amazing. Keep writing Ate and we will keep reading. Thankyou for inspiring me. I am now a fan! 😍

  3. ni-like ko muna bago ko binasa, baka makaligtaan ko kasi, haha. Kung minsan ang PUSO parang may sariling pag-iisip, kahit na gaano natin itong diktahan, kung minsan ito’y walang pinapakinggan, kumbaga may sariling pagkukusa, magkagayunman dapat manaig pa rin ang focus upang mailayo ang sarili sa labis na kapahamakan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s